5 Hulyo, 2014
Noong hapon ng Hunyo 4, sumuko naman si Senador Juan Ponce Enrile sa Sandiganbayan matapos ilabas ng Pangatlong Dibisyon ang warrant of arrest laban sa kaniya dahil sa kasong pandarambong.
Lumisan si Enrile sa kaniyang tahanan sa Dasmariñas Village noong 4:25 ng hapon patungong Kampo Crame, kasama ang kaniyang mga anak na si Jack Enrile, dating kinatawan ng Cagayaan, at si Katrina Ponce Enrile, at maging ang kaniyang mga abogado at ilan sa mga tauhan niya sa Senado.
Noong 3:30 ng hapon ding iyon, nauna nang ipinahayag ng Sandiganbayan na nakitaan nila ng sapat na batayan laban sa senador kaugnay ng mga kasong pangunguwalta at pandarambong na isinampa ng Ombudsman laban sa kaniya.
Nais ng kampo ni Enrile na isailalim ang 90 taong gulang na senador sa pagkaaresto sa ospital.
Noong Hunyo 6, kasama siya ng mga Senador na sina Jose "Jinggoy" Estrada at Ramon "Bong" Revilla Jr na kinasuhan sa Sandiganbayan dahil sa pandarambong kaugnay sa iskandalo sa pork barrel na nagkakahalaga ng milyon-milyong piso, kung saan ang pondo ng bayan ay idinala sa mga pekeng nongovernmental organization na pinapatakbo diumano ni Janet Lim Napoles, ang sinasabing utak ng nasabing iskandalo.
Sinasabing nakatanggap ang mga nabanggit na senador ng malalaking komisyon kapalit ng pag-eendorso sa mga pekeng NGO upang isagawa ang mga pekeng proykto na pinopondohan mula sa priority developent assistance fund o PDAF.
Pinakiusapan din ng mga abogado ni Enrile sa Pangkat ng Kriminal na Pagsisiyasat at Pagtitiktik (CIDG) ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas na huwag ilantad ang mugshot ng senador sa publiko. Nailathala sa mga pahayagan at telebisyon ang mga mugshot ng mga Senador na sina Revilla at Estrada.
Talasanggunian
edit- Why PNP won’t release Enrile’s mugshots. Cupin, Bea. Rappler. Nilathala 4 Hulyo 2014. Kinunan 2014-07-06
- Enrile heads to Camp Crame to surrender. Rappler. Nilathala 4 Hulyo 2014. Kinunan 2014-07-06