Wn/tl/Selda na pagbibilangguan nina Enrile, Estrada at Revilla, handa na

< Wn‎ | tl
Wn > tl > Selda na pagbibilangguan nina Enrile, Estrada at Revilla, handa na

9 Hunyo, 2014

Inihanda na ang bahay na pagbibilangguan ng mga Senador na sina Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Ramon "Bong" Revilla Jr. kung bakasakaling sila ay ipag-utos na dakpin ng korte.

Ang nasabing komplex ng bilangguan ay matatagpuan sa Kampo Crame sa Lungsod Quezon. Inihahanda diumano ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas (PNP) ang nasabing bilagguan, na sadyang itinayo para sa mga napakahalagang mga preso tulad ng mga nasasangkot sa iskandalo ukol sa maling paggamit ng Pork Barrel o PDAF.

Ayon sa tagapag-ulat ng ABS-CBN na si Nadia Trinidad, hindi basta-basta makakalakad ang sinoman tungo sa nasabing bilangguan. Hindi umano mapaliwanag ng mga kapulisan na nagtatao sa trapiko sa nasabing lugar, ngunit ayon sa kanila, pinag-utos lang sila na huwag papasukin ang kahit sinoman.

Ang nasabing pook ay napapaligiran ng pader na may taas na 6 talampakan at nakapalibot na matinik na alambre, at kailangang dumaan sa bakal na pintuan para lang makapasok.

Nakarehas ang lahat ng mga bintana. Ang mga silid ay kasinglaki ng isang apartment na studio type, na may sariling kama at palikuran, ngunit walang aircon.

Handa na rin ang isa pang gusali na pagbibilangguan ng iba pang mga dawit sa pork barrel scam. Mayroon itong 8 selda at kayang malagyan ng 16 na bilanggo. Dito na rin minsan kinulong ang iba pang mga high profile na mga bilanggo tulad ni Rizah Alin at Lintang Bedol.

Ngunit umalma ang grupong Volunteers Against Crime and Corruption (Mga Boluntaryo Kontra Krimen at Korupsyon, VACC) na ito ay isang espesyal na pagtrato, at dagdag pa nila, maaaring makulong sa ordinaryong mga selda ang mga senador na nahaharap sa kasong pandarambong, tulad ng iba pang mga bilanggo.

Sanggunian

edit