Wn/tl/Sandiganbayan, pinag-utos ang pagdakip kay Revilla at iba pang kasangkot sa PDAF Scam
19 Hunyo, 2014
Ngayong araw ay naglabas ng resolusyon ang Sandiganbayan na nag-uutos sa paghahain ng warrant of arrest laban kay Senador Ramon "Bong" Revilla Jr. at ang 32 iba pa niyang kasangkot ukol sa Pork Barrel scam.
Ang nasabing kautusan ay ginawad ng Unang Dibisyon ng Sandiganbayan kaninang hapon. Bandang 4:30 ng hapon ay personal na iniwan ni Abogado Estella Rosete, ang kawani ng korte, ang kopya ng kautusan. Tanging lagda na lang ni Mahistrado Efren dela Cruz ang kailangan upang maisaganap na ang nasabing kautusan.
Kasama sa mga pinag-utos na hainan ng warrant of arrest ang tauhan ni Revilla na si Richard Cambe, ang utak ng pork barrel scam na si Janet Lim Napoles, ang kaniyang pamangkin na si Ronald John Lim at ang kaniyang tsuper-bodyguard na si John Raymund de Asis.
Kasama ding pinag-utos na hainan ng warrant ang mga sumusunod: sina Mario Relampagos, Rosario Nuñez, Lalaine Paule, Marilou Bare, Antonio Ortiz, Dennis Cunanan, Francisco Figura, Ma. Rosalinda Lacsamana, Marivic Jover, Myla Ogerio, Eulogio Rodriguez,
Laarni Uy, Consuelo Espiritu, Evelyn De Leon, Allan Javellana, Encamita Munsod, Maria Julie Johnson, Victor Roman Cacal, Maria Ninez Guanizo, Rhodora Mendoza, Gondolina Amata, Alexis Sevidal, Ofelia Ordonez, Sofia Cruz, Chita Jalandoni, Gregorio Buenaventura, Jocelyn Piorano at si Evelyn Sucgang.
Ayon sa Kalihim ng Katarungan na si Leila de Lima, isa itong "magandang balita", dahil pinapakita diumano na may malakas na kaso ang pamahalaan laban sa kanila.
Wala din diumanong nakikitang mali si De Lima sa plano nina Estrada at Revilla na boluntaryong sumuko. Nauna nang pinahayag ni Revilla na susuko siya oras na ilabas ang warrant of arrest laban sa kaniya.
Simula kaninang umaga ay nagtipon ang mga tagasuporta ni Revilla sa harap ng kanilang bakuran sa Bacoor, Cavite.
Noon ding kinagabihan ay nagsalita si Revilla sa harap ng kaniyang mga tagasuporta. Muli niyang giniit na handa siya sa kaniyang sasapitin, at humiling sa kaniyang mga tagasuporta na siya ay ipagdasal.
Sanggunian
edit- Revilla: I will surrender to the Sandiganbayan. Locsin, Joel. GMA News. Nilathala 19 Hunyo 2014. Kinuha 2014-06-20
- Sandiganbayan orders arrest warrants issued on Revilla, 32 others. Chiu, Patricia Denise. GMA News. Nilathala 19 Hunyo 2014. Kinuha 2014-06-20