13 Hunyo, 2014
Ipapatupad na simula bukas ng Lupon sa Pagpaprangkisa at Regulasyon ng Transportasyong-Lupa (LTFRB) ang pagtataas ng pamasahe sa pampasaherong jeepney, mula sa dati nitong baseng pasahe ng PhP8.00 ito ay magiging PhP8.50 sa unang apat na kilometro ng lakbayin.
Ang nasabing pagtataas ng pamasahe ng jeepney ay ipapatupad lamang sa mga rehiyong Kalakhang Maynila, Gitnang Luzon (Rehiyon III), Calabarzon (Rehiyon IV-A), at Mimaropa (Rehiyon IV-B).
Kasabay nito ang pagdadagdag ng pamasahe ng 10 sentimo kada karagdagang kilometro.
Pinaalalahanan ng tagapangulo ng LTFRB na si Winston Ginez ang publiko at mga tsuper ng jeepney na dapat mahigpit na sundin ang mga nasabing pagbabago.
Ipinamahagi ng LTFRB ang mga bagong fare matrix sa Amoranto Sports Complex sa Lungsod Quezon. Para sa mga rehiyong 3 at 4, ang mga fare matrix ay pinamahagi sa San Fernando, Pampanga at Lipa, Batangas.
Malugod na nagpasalamat ang mga grupo ng transportasyon at mga tsuper ang nasabing pagtaas ng pamasahe, ayon kay Ginez.
Noong Disyembre ng nakaraang taon, humiling ang mga grupo ng transportasyon na dagdagan ng PhP2 ang minimong pasahe ng jeepney mula sa PhP8 tungo sa PhP10 para sa unang apat na kiometro.
Ngunit ayon sa LTFRB, ang kahilingang ito ay kanila pang pagpapasiyahan. Sa ngayon, ang kanila pa lamang na inaprubahan ay ang pagtaas ng pamasahe ng 50 sentimo.
Sanggunian
edit- Jeepney fare hike to take effect June 14. De Jesus, Julliane Love. Philippine Daily Inquirer. 13 Hunyo, 2014. Kinunan 2014-06-14