Wn/tl/Jinggoy Estrada, Pangalawang Senador Na Piniit sa Kampo Crame

< Wn‎ | tl
Wn > tl > Jinggoy Estrada, Pangalawang Senador Na Piniit sa Kampo Crame

24 Hunyo, 2014

Nasa piitan na ngayon si Senador Jinggoy Estrada ilang oras matapos siyang kusang sumuko sa Tanggapan ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas ngayong tanghali.

Ayon sa kaniyang mga tauhan, inabot ng 10 hanggang 15 minuto ang pagpapatala sa kaniya, kung saan siya dumaan sa pagsusuring medikal, pagtatatak ng daliri, at pagkunan ng mugshot.

Ibinigay naman ng mga kinatawan ng Pangkat sa Kriminal na Pagsisiyasat at Pagtitiktik (CIDG) ng PNP sa Sandiganbayan ang mga detalye ng pagkakadakip kay Estrada, sa proseso na tinatawag na "pagbabalik ng warrant".

Taliwas sa ginawa ng kaniyang kapwa-senador at kaakusadong si Ramon "Bong" Revilla Jr na naunang sumuko noong Biyernes, hindi na pumunta si Estrada sa Sandiganbayan at sa halip ay dumiretso na sa Kampo Crame para sumuko.

Isinuko ni Estrada ang kaniyang sarili sa kanyang ama na alkalde ng Maynila. Sinamahan ni Alkalde Joseph Estrada ang kaniyang anak sa kampo. Pinayagan sa multipurpose hall si Estrada, ang asawa ng senador na si Precy, ang kanilang apat na anak, ang kanyang ina at dating senador na si Loi Estrada, at humigit kumulang 20 mga tagasuporta.

Si Estrada ang pangalawang Senador na ibinilanggo dahil sa panloloko sa pork barrel, na siyang pinakamalaking iskandalo ng korupsyon sa kasaysayan na ikinagalit ng maraming mga Pilipino. Si Revilla, na siya ding artista tulad ni Estrada, ay ibinilanggo sa Kampo Crame kasunod ng paghain ng warrant of arrest laban sa kaniya ng Unang Dibisyon ng korte.

Ipinag-utos ng ika-5 dibisyon ng korte kontra-pangunguwalta ng Sandiganbayan ang pagdakip kay Estrada noong Lunes ng umaga. Lumisan si Estrada sa kaniyang tirahan sa Corintihan Hills ilang sandali matapos mailabas ang warrant laban sa kaniya at pumunta sa tahaanan ng kaniyang ama sa Greenhills, San Juan.

Bagaman walang piyansa ang salang pandarambong, naghain pa rin ang mga abogado ni Estrada ng mosyon para sa piyansa noong Lunes ng umaga.

Ipinagtanggol ni Estrada na ineendorso lang niya ang mga non-government organization na kinikilala na ng mga ahensiyang tagapag-iral. Ngunit pinasiya nang ika-5 dibisyon na siyang humahawak sa kaso ni Estrada, na ang depensa ng Senador ay idadaan na lamang sa paglilitis.

Inaakusahan si Estrada ng pagsasabulsa ng PhP183 milyon sa mga kickback sa isang masalimuot na gawaing korupsyon na kinakasangkot din ng iba pang mga matataas na opisyal.

Sanggunian

edit