Wn/tl/Binay, Iimbestigahan Ukol Sa "Masyadong Mahal" Na Gusali

< Wn‎ | tl
Wn > tl > Binay, Iimbestigahan Ukol Sa "Masyadong Mahal" Na Gusali

6 Setyembre 2014

Panibagong kontrobersya ang hinaharap ng mag-amang sina Bise-alkalde Junjun Binay at Bise-pangulong Jejomar Binay kaugnay ng diumano'y labis na kamahahalan ng ikalawang gusali ng Makati City Hall na umaabot sa PhP2.3 bilyon ang halaga.

Dahil dito, nagsampa ng kaso ng pandarambong sina Renato Bondal at Nicolas Enciso IV, kapwa mga dating opisyal ng lungsod, laban sa mag-amang Binay.

Giit ng mga kampo ni Binay, ang nasabing gusali ay "world class" o umaayon sa pamantayan ng daigdig, kaya umabot sa ganoong halaga ang nasabing gusali. Inaangkin nila na "green" ang kanilang gusali.

Ngunit noong suriin ito ng mga eksperto, isa lamang itong "ordinaryong" gusali at wala itong ibang mga natatanging katangian.

Ang nasabing gusali na may 11 palapag ay mayroong paradahan ng sasakyan sa unang limang palapag nito, at mga tanggapan sa itaas na mga palapag. Mayroon itong dalawang asensor.

Liban dito, tanging tapete lamang ang pantakip sa sahig imbes na mga baldosa, at "drywall" lamang ang ginamit na dingding sa mga opisina.

Sa pandinig na sinagawa sa Senado noong Huwebes, ginisa nina Senador Antonio Trillanes IV at Alan Peter Cayetano ang mga saksi sa nasabing anomalya kabilang si Mario Hechanova na dating kawani ng pamahalaang lokal ng Makati.

Ayon kay Hechanova, may anomalya ang mga proseso ng pagbi-bid sa Makati. Ngunit ayon sa kaniya, sumusunod lang siya sa utos ng mas nakakataas.

Hindi umano ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng anomalya sa pagpoproseso ng pagbi-bid, ngunit matagal na itong nagaganap. Dagdag pa niya, pinapasiguro ng mga nakakataas na opisyal na ang mga kamag-anak o kaibigan nila ang manalo sa pagbi-bid.

Ang Hilmarc's ang nakakontrata sa pagpapatayo ng kontrobersyal na gusali ng City Hall. Bukod pa nito, ito din ang kumpanyang nakakontrata sa pagpapatayo ng iba pang mga gusali sa Makati tulad ng Ospital ng Makati at Mataas na Paaralang Pang-agham ng Makati.

Talasanggunian

edit