Wn/tl/3 senador, kinasuhan ukol sa PDAF scam

< Wn‎ | tl
Wn > tl > 3 senador, kinasuhan ukol sa PDAF scam

6 Hunyo, 2014

Kinasuhan na sa Sandiganbayan sina Senador Ramon Revilla Jr, Jinggoy Estrada at Juan Ponce Enrile dahil sa kaso ng pandarambong at paglabag sa Batas Kontra Pangunguwalta at Korupsyon noong Biyernes ng hapon, Hunyo 6.

Kasama na ding kinasuhan si Janet Lim Napoles, na sinasabing utak ng Pork Barrel Scam.

Kinasuhan ang tatlong senador dahil sa di-umanong pagbubulsa sa mga kickback sa pamamagitan ng detalyadong pamamaraan upang mapunta ang pondo ng publiko sa mga pekeng proyekto ng pamahalaan at sa mga ahensiya na wala naman pala.

Ang kasong pandarambong ay isang paglabag na hindi maaaring ipiyansa.

Ayon sa mga natuklasan ng imbestigasyon ng Ombudsman, nakakuha si Revilla ng pinakamalaking halaga ng kickback mula sa scam na nagkakahalagang P242 milyon, na sinundan ni Estrada na may P183 milyon at si Enrile na may P172 milyon.

Ang mga kahon-kahong mga dokumento at naka-troli ay dinala ng mga tauhan ng Tanggapan ng Ombudsman tungo sa Sandiganbayan Biyernes ng hapon.

Ang kaso ay nakatakdang iparipa sa susunod na Biyernes, Hunyo 13.

Bagaman nakasuhan ang tatlong senador, sinasabing aabutin pa ng ilang araw o linggo bago pa man sila maaresto.

Sa isang pagkakataon, inabot ang Sandiganbayan ng tatlong linggo para maglabas ng warrant of arrest laban sa dating Pangulong Joseph Estrada dahil sa diumanong mga yamang galing sa maling paraan, na sinasabing kinita mula sa kickback at komisyong kinolekta mula sa ilegal na sugal.

Sa kaso naman ng dating Pangulong Arroyo, inabot ng tatlong buwan bago mahainan ng warrant of arrest kaugnay sa diumanong maling paggamit ng P366-milyong pondong pang-intelihensiya mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office.

Si Napoles naman ay kasalukuyang nakakulong, hindi dahil sa kasong pandarambong, kundi dahil sa kasong ilegal na detensyong sinampa laban sa kaniya ni Benhur Luy, na pangunahing whistleblower ng Pork Barrel Scam. Tulad ng kasong pandarambong, wala ding piyansa sa kasong ilegal na detensyon.

Nauna nang binasura ng Ombudsman noong Huwebes ang aplikasyon ni Napoles para maging isang state witness, na siya sanang makakapagbigay sa kaniya ng imunidad mula sa kriminal na pag-uusig ukol sa scam.

Talasanggunian

edit